Friday, November 25, 2016

A Letter to Heaven

Kahapon pops nag aya anak mo mag McDonalds, kaya pinagbigyan ko. Umorder ako ng gusto niya, fries at saka Mcfreeze. Habang kumakain nagkwento siya sakin, sabi niya napanaginipan ka daw niya, tayong tatlo magkakasama nagswi-swimming daw tayo. Parang nanghina ako, mangilidngilid luha ko actually muntik na talaga napigilan ko lang sarili ko. Nakita ko kasi sa mga mata ni Enzo na miss ka na niya, kahit dati lagi ka niyang inaaway, ngayon ko lang siya nakita na ganun. Kasi matapang siya daig pa niya ko, di niya pinapakitang malungkot siya kahit sa loob niya malungkot talaga siya. Tapos napatingin ako sa labas ng mall merong pamilya sa labas tatlo din sila pababa ng tricycle lalo ako nalungkot kasi dati tayo yun pag pinapasyal natin si bebe ngayon dalawa na lang kami.
 
Antahimik na ng bahay pops, wala ng nag re-request na tikman ko yung luto, wala ng nagpapatulong maghiwa ng sibuyas, kamatis, bawang. Wala ng nag mi-midnight snack, wala na ring gumagamit ng laptop. Wala ng naghihilik ng ubod ng lakas, wala ng nadadantay. Wala ng nang-iinis kapag naiiyak ako sa pinanunuood ko. Wala na kong supply ng choknaks at guyabano juice sa gabi, wala na nakakaisip bumili para sakin kasi kaw lang may alam na paborito ko yun. Nakakabingi yung katahimikan sa gabi pops, di ko na naririnig yung tawa mo habang nanunood ka sa youtube ng episode ng eatbulaga o kaya fliptop. 

Grabe ka mag pa miss pops sagad hanggang kaluluwa. Yung luha ko parang di na mauubos. Araw-araw gabi gabi. Hinahanap ko pa din yung amoy mo. Kahit katabi ko si bebe parang wala pa din akong katabi, pinagkakasya ko na lng sarili ko sa damit mong ginawa kong punda ng unan mo para kahit papano makatulog ako. Ang weird ng pakiramdam ko, para nga kong tanga kasi kahit habang naglalaba ko kanina umiiyak ako, dati kasi magkatulong tayo linggo linggo sa paglalaba, kailangan madaming downy para mabango yung mga damit, kailangan kamayin mga puti at panlakad para di maluma agad lahat yun ako na lang gumagawa pops. Lahat ginagawa natin magkasama kaya ang sakit sakit na ngayun wala na ko kasabay gawin lahat yun. Pati sa pagkain minsan nakakalimot na ko,  wala na kasing nangungulit na sabayan ko kumain. 

Pops, sobrang sakit ng pagkawala mo, sa sobrang sakit parang wala ng saysay yung buhay ko pero alam ko kailangan ako ng anak natin kaya kahit papano kumikilos ako, alam ko mawawala din tong sakit pero sa ngayon pagpasensyahan mo muna ko tulad ng dati, kelangan ko lang damahin to at ipagluksa ka hayaan mo lang muna ko gawin to. Mahal na mahal na mahal na mahal kita pops. Magkikita din tayo antayin mo ako. Aayusin ko lang buhay namin ni bebe, sisiguraduhin ko lang na okay na si Enzo, na kayang kaya na niya kahit wala na tayo. Hintayin mo ko pops hahanapin kita. 💔

No comments:

Post a Comment