Tuesday, July 13, 2010

Sa Huling Destinasyon


Ang dami pumapasok sa isip ko, nag-uunahan lumabas yung mga salitang sumisigaw sa utak ko, hindi ko tuloy alam kung ano isusulat ko…nandito lang sila paikot-ikot, naglalaro, nililibot bawat bahagi at bawat sulok ng isip kong pakiramdam ko naman walang ibang laman kung hindi halo-halong salita na di ko magawan kahit isang maiksing taludtod. Paano nga ba ko magsisimula? paano ko nga ibabahagi yung pakiramdam ko…teka subukan kong pumikit at mag- relax muna baka sakali mamaya may maganda ng lumabas at maisulat…(pikit…makaraan ang ilang segundo…) naka-pikit ako pero di ako makapagrelax, kung sabagay paano nga naman ako makakapag relax eh ang ingay dito, nga pala nasa trabaho ako ngayon isa kong call center agent. Oo, agent sa tagalog ahente. Technical Support Agent ako, ewan ko ba ba’t ako napasok dito pero siguro kasi nung mga panahon nag-a-apply ako ng trabaho ito lang yung “in demand” at siguro dahil narin sa sahod, hindi ko naman talaga linya ‘to pero ayus na rin, medyo nabo-bore na pero kelangan ko kumita eh para makatulong ako sa magulang ko at sa bayarin sa bahay.

Wala pa kasi akong natatanggap na tawag ulit, kakatapos lang nung isang ahente na nagtatanung kung anu nagyari doon sa order nung kustomer, bakit daw na cancel eh wala naman daw siyang pinapa- cancel, tiningnan ko yung records eh nalaman ko na cancel kasi may DSL na daw yung linya niya…(sa mga hindi nakakaalam digital subscriber line ibig sabihin nun… isang uri ng teknolohiya na makakapag internet ka at magagamit mo yung telepono mo ng sabay, mas mabilis kesa sa dial-up service na nakasanayan natin dati… ang galing talaga ng technology nuh?!). Ang kulit pa din nung ahente hindi daw niya maintindihan, eh naisip ko anu bang mahirap sa na-cancel kasi nga my DSL na daw yung linya, babalikan daw muna niya yung kustomer para itanung kung may DSL daw ba dati yung linya niya, pagbalik sakin sabi niya sabi daw ng kustomer meron dati pero pina-cancel na daw niya iyon, sabi ko sa kanya tumawag siya sa sales department para malaman niya kung na disconnect na yung dating service bago pa umorder ulit yung kustomer aba eh parang ayaw pa maniwala, parang nagdadalawang isip pa kung nagsasabi ba ako ng totoo, kung yun ba talaga ang dapat niyang gawin o gusto ko lang siya itapon sa ibang agent kasi istorbo sya sa pagsusulat ko , tapos sa bandang huli susunod din naman pala pinatagal pa yung tawag… ISTORBO!

Anung araw na ba ngayon? 1:29am? Ahh… friday na pumasok kasi ako thursday night, friday na pala tatlong araw pa bago ko makapag pahinga at bago ko makita ulit yung pinakamamahal kong nobyo, si Niño…

Ang galing nga eh, dalwang taon at isang buwan na kami ang bilis talaga ng panahon, samantalang dati walang patid akong umiiyak dahil doon sa ex-bf kong walang kwenta, sorry sa term pero wala talagang kwenta eh, ni hindi ko man lang nga naramdamang importante ako sa kanya, imagine apat na taon ako nagtiis para sa kanya at doon sa apat na taon na yun mabibilang ko lang sa daliri ko sa kanang kamay kung ilang beses kami nagkita at hindi ko na mabilang kung ilang beses ako nagpaka- tanga at naniwala sa mga katakot - takot na paliwanag niya. Naaalala ko pa nun anniversary namin nag handa ako ng lunch kasi sabi niya pupunta daw siya sa bahay, Abah! eh namuti na mga mata ko hindi pa dumadating ni wala man lang abiso. Nagalit ako pero pag kahingi niya ng patawad ayun okey na ulit parang walang nangyari, hanggang sa maulit ng maulit, paulit - ulit na parang pare -pareho na lang yung nangyayari hanggang sa hindi ko na makumpara yung kaibahan ng kahapon sa nangyari ngayon o sa pwedeng mangyari pa bukas, kaya ayun pag-gising ko isang araw ayoko na pagod na ko!, hindi ko na matiis yung mga ginagawang niyang pambabalewala. Parang bigla akong natauhan, para kong nagising sa isang napakahabang bangungot. Bakit ko nga pinagmumukhang tanga ang sarili ko? bakit ko nga ba hinahayaang saktan ako ng ibang tao? bakit ako nagpapakaloko sa isang taong hindi naman alam yung halaga ko? Tinimbang ko yung nararamdaman ko sa sitwasyong kinalalagyan ko, inisip ko yung pwede ko pang maramdaman kapag nagdesisyon ako, natatakot ako magkamali ulit pero naisip ko matagal na kong nagkamali, mali akong hinayaan ko na ibang tao ang magpatakbo ng buhay ko. Hindi man ako komporatable alam kong tama na yung gagawin ko ngayon. Isang napakalaking desisyon…SPLIT na KAMI!!!

Kami pa ng magaling kong ex nung magkakilala kami ni Niño, pinsan sya ng boyfriend ng bestfriend kong si Mars na bestfriend ko na simula pa nung highschool…birthday ni Mars noon nung nagkakilala kami. Inuman kami doon sa bahay pagkatapos mag jam. Kina sabaduhan nagkita kami ulit kila Mars nung mag second celebration kami para sa birthday niya, hindi pa nga dapat ako pupunta kasi pinagagalitan ako ng nanay ko gabi na daw at umuulan pa eh batas ako siyempre sinunod ko parin yun gusto ko. Na lasing ako sobra ang dami kasi namin nainom, ini- english ko na daw silang lahat, at ang mga hayup na yon kaibigan ko pa man din tinatawanan pa ko!, nakahawak daw ako sa kamay ni Niño siyempre hindi ko alam kasi hilong hilo na ako.

Sumunod kami magkita nung nag jam kami sa isang band studio sa may Sta. Mesa at kinabukasan ulit nung inimbita kami ng isa pang pinsan nila na si Kuya Bok na pumunta sa binyag ng pamangkin niya sa Makati. Doon na simulang nagka biruan pinagpapares nila kami…nagumpisa sa kantsawan, hanggang sa nauwi sa ligawan, hanggang sa naging kami, nagkahiwalay, nagkabalikan, akala ko nga nung una rebound ko lang siya kasi yun yung madalas nila sinasabi sakin dahil kahihiwalay ko palang sa ex ko, pero kung titingnan mo parang matagal na kaming wala ng ex ko kasi hindi nga kami nagkikita. At eto sabi ko nga kanina dalawang taon at isang buwan na pero masaya parin. Nagkakaroon kami ng mga di pagkakaintindihan pero napag-uusapan naman, sa madaling salita magkasundong - magkasundo kami. Para ngang yung sinasabi nilang “a match made in heaven”, parehong di magandang karansan ang pinagmulan pinag-untog ng panahon, pinag sama ng Diyos.

Napakahiwaga nga talaga ng Diyos alam na alam niya kung kailan niya ibibigay yung mga bagay na kailangan mo, right timing lagi… ang galing nga eh imagine nagkakilala kami in an unexpected place and time… iniisip ko nga minsan baka nakasakay ko na siya sa jeep papuntang PLM dati o kaya naman sa bus nung mga panahon na nag-aaral pa ko at pumunta kami sa bahay ng barkada ko sa Sta. Mesa para gumawa ng project, pero di kami nagkita kasi nasa kanang bintana siya ako nasa kaliwang bintana ng bus, naisip ko din baka nakabangga ko na siya kung saan pero sa sobrang pagmamadali ko hindi ko man lang naisip tingnan yung mukha niya, o kaya nakatabi ng fx na sinasakyan ko yung jeep na sinasakyan niya yun nga lang may biglang humarang na sasakyan sa gitna kaya di rin kami nagkita… ang daming posibilidad na pumapasok sa isip ko na maaaring nangyari at maaari rin namang hindi…

Kung iisipin mo napaka liit lang ng mundo pero masyadong maraming pasikut - sikot kaya naliligaw tayo, napupunta sa mga lugar na di naman dapat mapuntahan, nakakakilala ng mga taong pwedeng tumatak sa isip mo o pwedeng malimutan na lang. May madadaanan kang mga lugar na gusto mong balikbalikan, may mga lugar naman na ayaw mo ng puntahan dahil sa mga pangit na alaala, pero kahit pasikut - sikot o masalimuot man ang daan papunta sa lugar na matagal mo ng inaasam, naisip mo ba minsan na lahat ng yon ayos lang, na lahat ng yon okey lang? kasi pag narating mo muna yung destinasyon mo lahat ng sakit, pagod, hirap, lahat yon mapapalitan ng kaibsan, kaginhawaan at higit sa lahat saya. Parang ako matagal na nagtiis, naghintay sa isang taong walang kasiguraduhan kung babalik pa o hindi, ilang beses naniwala at lumuha pero sa huli, nakita ko din yung taong tumatak sa isip ko. Hindi ko man alam kung siya yung nakabangga ko sa kung saang lugar, o kaya nakasabay ko sa jeep o sa bus, ang mahalaga dun narating ko din yung destinasyon ko…si Niño.

No comments:

Post a Comment